Ang pag-alala at di pag-limot ay dalawang mukha ng iisang barya
at ito ang tanging hinihingi sa atin ng kasaysayan—
ang ‘di paglimot sa kasalanan
at katotohana’y maalala
Matapos ang batas militar at dalawang dekada ng mapaniil na rehimeng Marcos,
nananatiling mailap ang hustisya at di pa rin sila nagbabayad sa kasalanan nila sa bayan.
Wala pa ring nananagot sa mga pinaslang na anak, apo, ina, ama
at higit sa lahat, mga kabataang pag-asa sana ng isang bayang tanging hiling
ay lumaya pagkatapos masakop ng dayuhan at ng sariling berdugo.
Bayang lubog sa hirap, habang ang iilan ay nagpapakasasa
sa yamang di sa kanila.
At sa halip ay pinapaikot tayo!
Ngayon gusto pang maging kandidato sa pagka pangulo
upang mga krimen nila ay tuluyang maitago
kasama ang mga nakaw nilang yaman at ginto.
Ang paghalalal sa isa na namang Marcos ay pagtalikod at pagtataksil,
hindi lamang sa bayan, ngunit pati na rin sa ating kasaysayan.
Ang pagpili ng isang Marcos ay hindi pagpili ng pagpapatawad o pagkalimot sa madilim na kahapon,
ito ay yurak at pagkitil muli sa mga pinatay ng kanyang ama;
ito’y nangangahulugang pagnanakaw muli sa yaman, kasaysayan, demokrasya at karapatan–
mga tanging mapapamana natin sa mga susunod pa sa atin.
Ang panawagan ng di paglimot (never forget) ay ang pagtindig sa alaala (never again).
Si Marcos ay isang diktador, at ang anak nya ay mas bobong klase ng diktador,
na ang tingin sa atin ay mas bobo tayo sa kanya,
na tatanggapin na lang natin ang di pagsisisi ng ginawa ng kanilang pamilya.
Wag na nating pahirapan ang kapwa at ang bayan,
isang klarong tantos natin sa ating balota: hindi isang Marcos!
At ngayong panahon ng ating pag-alala at di paglimot,
ubos-lakas nating dedepensahan ang katotohanan:
na ang pangalang Marcos ay pangalang diktador.

Ben R
believes that writing the future with fellow young people is a writing hopes that never wither.